Sabik na sabik si Patrick nang sa wakas ay maiuwi ang asawang si Icy sa gabi ng kanilang kasal. Sa pitong taon nilang pagsasama bilang magkasintahan ay hindi ito nagpagalaw sa kanya, at nirespeto niya ito dahil mahal na mahal niya ang babae. Ngayong kasal na sila, ang akala ni Patrick ay wala nang dahilan upang tanggihan pa siya sa kama.
Nang maihiga sa kama ay agad hinalikan ni Patrick nang mariin ang asawa. Gumanti naman ito ng halik ngunit parang ipit na ipit ang kanyang galaw, tuloy ay hindi makababa ang mga kamay ni Patrick sa kanyang dibdib pa lang.
"May problema ba, mahal?" tanong niya sa asawa.
"Puwede bang huwag muna natin ito gawin ngayon? Masyado akong pagod," sagot ng babae.
Dahil mabuting tao ay hindi nagpumilit si Patrick. Niyakap na lang niya nang mahigpit ang misis hanggang sa makatulog ito, ngunit siya ay nanatiling gising magdamag, nag-iisip kung ano nga kaya ang tunay na dahilan ng pagkakimi ng babaeng napangasawa.
Kinaumagahan ay nagdesisyon si Patrick na kumprontahin na si Icy, dahil sa magdamag na pag-iisip ay napagtanto na nito ang sikretong tinatago ng babae.
"Mahal, gusto kong malaman mong kahit hindi ako ang nakauna sa iyo ay wala akong pakialam. Tanggap kita at mahal na mahal kita."
Laking gulat ni Icy sa sinabi ng lalaki. Napangiti ito.
"Anong sinasabi mo? Ibig mong sabihin ay kahit hindi na ako birhen, tanggap mo ako?"
"Oo," siguradong sagot ni Patrick.
Napayakap si Icy sa asawa at ikinuwentong birhen pa naman talaga siya. Sinabi niya na rin sa wakas ang pinakatatagu-tagong sikreto.
"Noong bata ay naaksidente ako sa sa pagba-bike. Kinailangan akong operahan at ngayon ay may malaking hiwa sa gitna ng aking dibdib. Ito ang dahilan kung bakit nahihiya akong makita mo ako nang nang buong buo. Ngunit ngayong alam ko nang mahal na mahal mo nga ako, hindi na ako nahihiya."
Hindi nagtagal ay nagbunga na ang pagmamahalan ng dalawa. Sa pagiging mabuting ama sa kanilang anak ay lalo lang napatunayan ni Icy kung gaano siya kaswerte sa lalaking napangasawa.